Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang programa para sa rehabilitasyon ng Marawi at ang mga napaulat na insidente ng human rights violations sa lungsod makalipas ang isang taong opensiba laban sa Maute group.
Sa House Resolution 1973 na inihain ng grupo, umaapela ang mga ito na bigyang linaw ang direksyon para sa pagbangon ng Marawi.
Nababahala ang mga kongresista ng Makabayan na naaabuso na ng ilan ang rehabilitation projects dahil exempted sa public bidding ang proyekto.
Wala din umanong malinaw na rehabilitation plan para sa Marawi City kahit pa ilang kautusan na ang inilabas ni Pangulong Duterte sa iba’t ibang ahensya ukol dito.
Mayroon pang report na ang bulto ng proyekto sa Marawi rehab ay ibinigay sa pre-selected contractor na Power China gayong matagal na pala itong blacklisted sa bansa.
Dagdag pa sa pinasisiyasat ng Makabayan ang mga nai-dokumentong kaso ng iba’t ibang human rights violations na hindi dapat isantabi ng Kamara.