Manila, Philippines – Ipinatatanggal ng Manila Regional Trial Court sa prosciption list ng Department of Justice ang tatlong indibidwal na idinadawit ng DOJ sa listahan ng mga pinadedeklara nitong teroista.
Sa resolusyon ng Manila RTC Branch 19 na pirmado ni Presiding Judge Marlo Magdoza-Malagar na may petsang July 27, 2018, inatasan nito ang DOJ na kanselahin o bawiin ang summon kina Saturnino Ocampo at Rafael Baylosis sa kadahilanang hindi naman partido sa kaso o petisyon ng DOJ ang dalawa.
Pinaboran din ng Korte ang mosyon nina Jose Melencio Molintas at Victoria Lucia Tauli-Corpuz na malinis ang kanilang pangalan bilang mga respondent at idineklara din ng korte na hindi sila mga partdido sa petisyon ng DOJ.
Nauna nang naghain ang DOJ ng petisyon sa Korte laban sa Communist Party of the Philippines at New Peoples Army aka Bagong Hukbong Makabayan na maideklarang teroristang grupo alinsunod sa isinasaad ng section 17 ng RA 9372 o Human Security Act of 2007.
Naniniwala ang DOJ na ang CPP-NPA ay sangkot sa mga armadong pakikibaka na naglalayong pabagsakin ang gobyerno.
Kasama sa listahan ng sinasabing mga miyembro ng CPP-NPA ang daan-daang personalidad kabilang ang pitong itinuturong opisyal ng grupo.