Manila, Philippines – Muling ipinanawagan nila ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro ang pagpapatigil sa pagpapatupad ng K to 12 program.
Giit nila Tinio at Castro, hindi masosolusyunan ng K to 12 ang malaking problema sa unemployment sa bansa.
Ayon sa mga kongresista, matagal na nilang sinasabi ito at ngayon ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na ang nakapuna sa first batch ng mga graduates na grade 12 students ay hindi pa maituturing na handa sa pagtatrabaho.
Sinabi pa ng mga mambabatas na marami ngang College Students ang hirap makapaghanap ng trabaho at mas lalo na ang mga nagtapos lamang ng K-12.
Mas itinutulak lamang ng programang ito ang mga estudyante na maging skilled laborers sa ibang bansa na may mababang pasahod sa halip na hikayatin ang mga estudyante na maging ganap na professionals.
Inirekomenda nila Tinio at Castro na sa halip na K to 12 ay mas kailangan na i-angat ang curriculum at sistema ng edukasyon sa bansa gayundin ang paglikha ng mga trabaho na may katumbas na disenteng sweldo dahil ito ang mas kailangan ng mga estudyanteng nagtatapos sa pag-aaral.