Pinatitigil ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatupad ng window hours sa ilang bayan sa Batangas na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, dapat maging istrikto sa mga panuntunan dahil nananatili pa rin ang banta ng pagsabog ng bulkang Taal.
Aniya, ipinatupad lamang ang window hour bilang humanitarian consideration sa mga inilikas na residente pero pangunahing prayoridad pa rin ng pamahalaan ang kaligtasan ng lahat.
Giit pa ng kalihim, hangga’t may nakataas na alerto, patuloy na iiral ang lockdown at mandatory evacuation sa paligid ng bulkang Taal.
Matatandaang una nang pinayagan ng mga lokal na pamahalaan sa ilang bayan sa Batangas na makabalik ng kanilang mga tahanan ang mga inilikas na residente para kunin ang kanilang mga alagang hayop at ilang mga gamit.