Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang akusado sa drug trading na unang ginawaran ng habambuhay na pagkakulong ng Laoag City Regional Trial Court Branch 13 noong 2012.
Sa 11-pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Mariano del Castillo ng Supreme Court first division, inutos din ang agarang pagpapalaya sa akusadong si Jerome Pascua.
Ginawang batayan ng Korte Suprema sa desisyon nito ang hindi pagsunod ng mga tauhan ng pulisya sa chain of custody ng mga kumpiskadong bawal na droga na dapat ay inililipat sa kostudiya ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Pinuna rin ng Kataas-taasang Hukuman ang maling proseso ng inventory ng pulisya sa mga ebidensiya na walang kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ) at halal na opisyal.
Binigyang-diin sa desisyon na bilang mga awtoridad ay batid ng mga pulis na nagsagawa ng buy-bust sa akusado ang tamang proseso bago isagawa at matapos na isagawa ang kanilang operation.
Una nang iginiit ng akusado na wala siyang kinalaman sa illegal drugs trade at ang mga ebidensiya na iprenesenta ng mga pulis sa korte ay pawang planted.