Agaw-buhay at comatose pa rin ang isang Pinay domestic helper sa Hong Kong matapos itong masagasaaan ng taxi na nawalan umano ng control, sa Aberdeen.
Kinilala ang biktima na si Marilou Abunda, tubong Hilongos, Leyte, na katatapos lang ng 46th birthday nitong May 23.
May malay pa umano si Abunda nang dinala ng mga pulis sa Queen Mary Hospital, ngunit agad ding na-coma pagdating sa ospital.
Ayon kay Welfare Officer Marivic Clarin na bumisita kay Abunda sa ospital, nag-aalangan umanong magbigay ng impormasyon ang ospital tungkol sa kalagayn ng biktima, ngunit hindi aniya maganda ang prognosis.
“Pinatingnan naman sa amin, pero ayaw mag salita ng mga nurse. Kinalbo na sya dahil may brain hemorrhage,” ani Clarin na hindi sigurado kung paghahanda ba ito para sa isang operasyon.
Sa salaysay naman ng mga kaibigan ni Abunda, matindi ang natamo nitong pinsala dahil sinubukan pa umano nitong protektahan ang isang matandang babae mula sa pagkakabangga.
16 taon nang nagtatrabaho sa pamilya ng nagngangalang Chris Lee ang hiwalay sa asawa at walang anak na si Abunda.
Samantala, sa tulong ng Consulate and the Philippine Overseas Labor Office, nakapagbigay ng invitation letter si Lee sa sister-in-law at pamangkin ni Abunda para makapuntang Hong Kong.