Personal na nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Pinay nurse na si Charito Leonardo-Romano na nag-courtesy call sa kanya sa Malacañang.
Ayon sa pangulo, hindi niya pinalampas ang pagkakataong mapasalamatan ng personal si Romano na aniya’y nagpapakita ng galing at malasakit ng Pinoy sa buong mundo.
Ang ipinamalas aniya ni Romano ay itinuturing niyang inspirasyon na nagpakita ng tuloy-tuloy na suporta para sa mga health care workers sa bansa at sa ibayong-dagat.
Si Charito Leonardo-Romano na tubong Cabanatuan, Nueva Ecija ay pinagkalooban ng parangal na British Empire Medal sa 2021 New Year’s Honour List ni Queen Elizabeth II dahil sa naging kontribusyon nito noong kainitan ng COVID-19 pandemic.
Sa parangal, kinilala ang sipag at pagtitiyaga ni Romano bilang nurse sa Arbrook House sa Esher sa Southeast England, isang facility na nag-aalaga sa mga may seryosong kalagayang pangkalusugan at mapanganib na madapuan ng COVID-19.