Pinay nurse, patay sa banggaan sa New Jersey

Photos courtesy of northjersey.com

Nasawi ang isang Filipina nurse mula sa Bergenfield at isa pang babae mula sa Palasides Park matapos ang matinding banggaan ng kotse sa New Jersey, Hulyo 7.

Kinilala ang Pinay na si Diana Pelayo, 33, at ang isa pang biktima na si Huishan Li, 63, na sangkot sa banggaan sa Hackensack Avenue at Terhune Place.

Ginagamot naman dahil sa natamong minor injuries ang isang 30-anyos na babae mula sa Fairview at 38-anyos na lalaki mula sa River Edge.


Si Diana Pelayo ay isang registered nurse sa Regent Care Center sa Hackensack, habang ang asawa naman niyang si Jeff ay kalilipat lamang mula sa Pilipinas nakaraang buwan para magsimula ng bagong buhay sa New Jersey.

Ayon sa mga nakasaksi, nakarinig na lamang sila ng malakas na dagundong at saka nakita ang wasak na sasakyan at deployed airbags sa parehong kotse.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.

Facebook Comments