Nasa piling na ng kanyang mga kaanak sa Isabela, ang Pinay na naabutan ng kapwa Pilipino sa Hong Kong airport na tila wala sa sarili, Agosto 10.
Sa kumalat na video sa Facebook, nakuhanan si Rachel Claravall Bumatay, 36, na nakaupo sa sahig ng Hong Kong International Airport kaharap ang mga nakalatag niyang gamit.
Hindi makausap nang maayos si Bumatay nang oras na ‘yon kaya minabuti na lang ng kumuha ng video na si Jelean Taporco na ipakita ang passport ng Pinay at manawagan sa sinumang nakakakilala rito.
Dalawang araw makalipas ay ibinalita sa Facebook ng tiyahin ni Bumatay na magkakasama na sila at maayos na ang lagay ng Pinay.
Ayon sa ulat ng The SUN, dinala ng pulisya ang Pinay sa ospital sa parehong araw na nakuhanan ang video, kung saan nanatili siya bago sunduin ng mga kaanak.
Kuwento ng kaanak ni Bumatay sa parehong pahayagan, nakaranas ng matinding kalungkutan ang Pinay matapos hindi makapaglibot nang lubusan sa Hong Kong dahil biglang na-terminate at napauwi.
Nang oras na ng kanilang flight, nagpumilit umano itong magpaiwan sa Hong Kong kaya walang nagawa ang asawa at ilan niyang kaanak kundi iwan ito.
Matapos mabalitaan ang sinapit ng pamangkin, sumugod sa airport ang tiyahin ni Bumatay sa Hong Kong sa kabila ng malawakang protesta para.
Kahapon, nag-post naman sa Facebook ang ina ni Bumatay na nagbalitang nakauwi na ang Pinay.
Nanawagan din ito na itigil na ang pagpapakalat ng video ng sinapit ng kanyang anak.