Kinumbinsi ni Partido Reporma presidential candidate Sen. Panfilo “Ping Lacson ang gobyerno upang payagang tanggapin ang mga aplikante, lalo na ang mga bagong nagtapos sa kolehiyo na mayroon namang kakayahan para gampanan ang tungkulin, ngunit wala pang lisenysa o hindi pa civil service eligible.
Nabuksan ang paksang ito sa pakikipagdayalogo nina Lacson at running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa mga residente ng Daet, Camarines Norte na kanilang binista para mangampanya nitong Miyerkules.
Isang binatilyo na si Michael John Balang mula sa San Lorenzo Ruiz na nagtapos sa kursong agrikultura ang lumapit sa kanila para tanungin kung ano ang kanilang maitutulong para sa mga kagaya niyang bagong graduate sa kolehiyo ngunit nahihirapan na makahanap ng trabaho.
“Hindi pa po ako nakakapasa ng license. So, ngayon po kami pong hindi pa nakakapasa nahihirapan po kami, sir, maghanap ng trabaho. Kasi po ‘pag hindi po legitimate ‘yung graduate student nahihirapan po siyang pumasok ng trabaho,” lahad ni Balang.
Ayon kay Lacson, nauunawaan niyang maraming pangarap, lalo na ang mga nagtapos ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemya, ang hindi agad makamit dahil sa mga limitasyong dulot ng mga ipinatupad na lockdown.
Nito rin lamang nakalipas na mga buwan, ipinagpatuloy ang mga naudlot na licensure exams para sa iba’t-ibang kurso, kaya marami ring mga nakapagtapos sa kolehiyo ang hindi pa nakakakuha ng pagsusulit tulad ni Balang.
“Kausap din namin ang Civil Service Commission na kung saan ipinapakiusap namin na huwag masyadong mahigpit na hahanapan ng lisensya bago pumasok sa gobyerno. Sabi nila pag-aaralan nila,” tugon ni Lacson sa nasabing kahilingan.
Kaugnay din ang kahilingang ito sa paniniwala ni Lacson na hindi lahat ng nakakapasa sa civil service exam ng gobyerno ay taglay ang mga katangian at kakayahang angkop para sa mga kinakailangang manggagawa sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
“Kasi mas importante, para sa amin ‘yung tinatawag na skills matching. Kasi pwedeng nakapasa ka nga sa licensure pero ‘yung skill mo hindi naman umuugma doon sa mga opening. Maghanap sila doon sa mga hindi nakapasa pero ang skill naman niya, tama naman doon sa hinahanap na kulang na pwesto sa gobyerno,” dagdag pa ng presidential candidate.
Sabi pa ni Lacson, hindi dapat na ipagkait sa mga maabilidad na indibidwal ang tyansa na magtrabaho sa gobyerno, lalo ngayong napakaraming nawalan ng hanapbuhay.
Gayunman, pinayuhan ni Lacson ang mga hindi pa nakakakuha ng licensure exams na kumuha agad nito sakaling buksan na itong muli, ngayong nasa Alert Level 1 na ang maraming probinsya sa bansa.