Sa pagharap natin sa iba’t ibang mga problema tulad ng korapsyon, krisis sa kalusuguan at ekonomiya dahil sa pandemya, at pananalasa ng bagyo, nangangailangan ng mabilis na pagtugon mula sa mga ahensya ng gobyerno. Pero sa kabila ng makabagong teknolohiya, nagiging makupad pa rin ang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga Pilipino.
Ito ang sistemang nais wakasan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa isinusulong niyang digitalization ng mga serbisyo ng gobyerno na hindi lang makakapag-alis ng katiwalian ngunit solusyon din para maging epektibo ang pagtulong sa mga mamamayan.
Sa ilalim ng ‘repormang digital’ ni Lacson, palalawakin ang communication infrastructure na magiging daan para mapalakas ang mobile at internet connectivity sa bansa, magkakaroon ng interoperability sa sistema ng mga ahensya ng pamahalaan at maiaayos ang database ng National ID system.
“Mapapabilis nito ang pamamahagi ng ayuda pati ang contact tracing ngayong pandemya,” sabi ni Lacson.
Giit ng mambabatas, kung digitalized ang mga serbisyo ng nasa gobyerno, walang mangyayaring human intervention o pagkontrol ng isang indibidwal o organisasyon na nagiging dahilan ng korapsyon.
“Para iwas ‘red tape’ at korapsyon, i-digitalize natin ang transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno. Mapapadali ang proseso at maiiwasan ang mga ‘fixer’ kung online na tayong magbabayad ng buwis, kukuha, at magpapasa ng mga government application forms,” pagbibigay-halimbawa ng mambabatas.
Sa ganitong paraan aniya, mababantayan agad ng mga Pilipino ang mga proyekto ng gobyerno—kung paano ginagastos ang pondo ng bayan at kung ano ang benepisyo nito para sa lahat.