Dama ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang mabigat na epekto ng pagiging target ng mga fake news at propaganda dahil naranasan niyang libakin at subukang siraan ang kanyang dangal at integridad sa unang mga taon pa lamang niya sa pulitika.
Kahit maraming taon na ang lumipas ay dala pa rin ni Lacson hanggang sa ngayon ang epekto ng mga ipinakalat na maling impormasyon tungkol sa kanyang pagkatao at pagbabaligtad sa tapat niyang pagsisilbi bilang alagad ng batas at hepe ng Philippine National Police.
Inilahad ni Lacson ang kanyang karanasan nang hagupitin siya ng operasyon na layuning butasan ang kanyang pagkatao noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kabilang dito ang pagkonekta sa kanya ng mga senior military officer ni Pangulong Arroyo noong 2001 sa mga diumano’y foreign bank account na naglalaman ng daang milyong dolyar, pag-akusa sa kanya na nagmamay-ari ng magagarbong bahay, at paratang na P38-bilyon ang kinita niya sa iligal na droga.
“Talagang hagupit na todo ang inabot ko diyan. Ako naman, alam mo pagka- alam mong hindi totoo, nakatayo ka e,” dagdag niya.
Inamin ni Lacson na naging pagkakamali niya ang hindi pansinin ang mga akusasyon na ibinato laban sa kanya dahil batid niyang pawang walang katotohanan at gawa-gawa lamang ito para siraan siya sa publiko. Ang namayapang si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., ang nagbigay ng payo sa kanya para sagutin na ang mga alegasyong ito.
“Sabi sa akin, ‘Ping, aba i-address mo ‘yung ano, tumatalab na. Nararamdaman ko talab na ‘yan.’ E napag-aralan ko nga, sa loob-loob ko, bakit nga ganoon ‘pag pumapasok ako sa restaurant parang nagbubulungan ‘yung mga tao, tinitingnan ako. So, ang ginawa ko nag-privilege speech ako in defense of my honor and dignity,” ani Lacson.
“Nilabas ko na rin ito noon, ito ‘yung katwiran ko pero nalunod kami ng propaganda. Alam mo naman e, pagka natodohan ka ng propaganda, ‘yung fake news nagiging totoo sa isipan ng mga kababayan,” aniya.
Nitong nakaraang linggo, umamin si Pangulong Arroyo na napaniwala siya sa mga kasinungaligan ni Ador Mawanay na naglabas ng pekeng mga bank account ni Lacson at sinuportahan ni retired Brig. Gen. Victor Corpus na noo’y hepe ng military intelligence.
Nagkaroon pa ng public apology si Corpus noong 2017 para sa itinuring niyang biggest mistake na kanyang nagawa. Habang si Lacson ay matagal nang napatawad si Arroyo at ang iba pang sumira sa kanyang mabuting reputasyon.
“Sabi ko, huli man daw at magaling ay okay na rin, at least inamin niya,” wika ni Lacson.
Umaasa si Lacson na matutuldukan na ang yugtong ito, lalo pa’t ngayong tumatakbo siya bilang pangulo sa Halalan 2022 ay paulit-ulit na inuungkat ang isyung ito kahit na matagal nang nabigyang linaw na hindi siya sangkot sa anumang katiwalian.
Taas-noo si Lacson sa kanyang integridad, pagiging tapat, at walang bahid ng korapsyon sa kanyang paglilingkod bilang sundalo, pulis, at senador kaya naman ito rin ang kanyang pinanghahawakang pangako na magiging uri ng pagsisilbi sa bayan kung siya ang susunod na magiging pangulo.
“Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at “Uubusin ang magnanakaw” ang alay na serbisyo ni Lacson kasama ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.