Ping, maayos ang kalagayan matapos ma-expose sa COVID-19—Alvarez

Kasalukuyang nagpapahinga si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos makaranas ng sore throat at iba pang sintomas na maaaring lumabas matapos siyang ma-expose sa COVID-19, ayon sa pangulo ng partido at Davao del Norte Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez.

“Actually, Kuyang, tinext ko na si Senator Ping kasi dapat may schedule kami rito sa probinsya ng January 10. Kaya nga lang very risky dahil nga na-expose siya doon sa COVID-positive, so sabi ko magpagaling muna (siya) at magpahinga,” sabi ni Alvarez sa panayam ng media.

Nagkaroon ng pagpupulong si Lacson kasama ang ilang matataas na opisyal ng Partido Reporma at iba pang miyembro ng kanyang campaign team sa kanilang headquarters sa Greenhills, San Juan nitong Lunes bago nakaranas ng ilang sintomas ng COVID-19 kahapon ng umaga.


Kabilang sa kanilang mga napag-usapan ang pinaplanong biyahe sa Davao del Norte para sa isang pagtitipon bago magbabala ang mga public health authority sa panibagong pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 partikular sa Metro Manila.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni Lacson na naging close contact siya ng kaniyang anak at chief of staff na si Ronald Jay noong Linggo. Nagkasakit ang huli at agad na sumailalim sa RT-PCR test, lumabas ang positibong resulta nito Lunes ng gabi.

Ayon pa kay Lacson, nagpositibo rin ang kanilang kasambahay at driver. Nagdesisyon siyang hindi na muna lumabas ng kanilang tahanan simula kahapon habang hinihintay ang resulta ng kanyang test. Inabisuhan din ng Partido Reporma chairman ang mga nakasalamuha niya na i-monitor ang mga kanilang sarili.

Una nang inatasan ni Lacson ang kanyang mga kasamahan sa partido at campaign team na pansamantalang ipagpaliban na muna ang kanilang mga pampublikong aktibidad kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, bagay na isinasagawa rin ng iba pang mga kampo.

“I support the halting of ground activities like motorcades by the campaign teams of those running in the May 9 elections. We have been advocating this by holding online dialogues with different sectors,” sabi ni Lacson sa isang pahayag.

Nagpaalala rin ang presidential aspirant sa lahat ng mga Pilipino na huwag makampante at seryosohin ang banta ng COVID-19 Omicron variant sa pamamagitan ng wastong pagsusuot ng face mask, pagsunod sa social distancing, at palagiang paghuhugas ng mga kamay.

“On top of that, national and local governments must embark on an aggressive mass testing, mass contact tracing and mass booster shots. The process to vaccinate five- to 11-year-olds must be accelerated,” dagdag niya.

Giit pa ni Lacson, hindi dapat hayaan na lumala ang sitwasyon na makakaapekto sa kalusugan ng publiko at pambansang ekonomiya, kasunod ng naging ulat ng Department of Trade and Industry na tinatayang nasa 100,000 manggagawa ang tatamaan sa Metro Manila sa muling paghihigpit ng mga awtoridad dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 at Omicron variant.

“Now more than ever the government and the public need to work together to beat this COVID-19 menace. A proactive leadership with a data-driven approach, plus cooperation from the public, is the key,” ayon kay Lacson.

Facebook Comments