Inihayag ito ni Lacson sa panayam ng Radio Mindanao Network (RMN), Lunes ng umaga, kasunod ng naging desisyon ng pamahalaan na ibalik ang restriksyon ng bansa sa Alert Level 2 simula sa Martes (Pebrero 1).
Patuloy ang presidential candidate sa pagsusulong ng mga desisyon at pamamaraan na nakabase sa siyensya at mga pag-aaral para masolusyonan ang mga hamon na dala ng nagpapatuloy na pandemya gayundin ang pag-obserba sa kung ano ang mga hakbang na isinasagawa ng ibang mga bansa.
“Katulad nito sa mga bansa sa Europa, ano, na tinatrato na lang nilang ordinary flu ang Omicron kasi meron na silang pag-aaral na ginawa. Siguro pwede nating gamitin ‘yung mga datos na nasa kanila, learn from their mistakes, at saka ‘yung kanilang mga panukalang mga solusyon,” sabi ni Lacson.
“Kasi ang Omicron naranasan ko kasi nag-positive ako e, mga two weeks ago, talagang hindi talaga malala e. Para ka lang talagang nagka-flu. Ako, ni hindi nga ako nilagnat e. So, dapat tingnan ‘yon,” dagdag ng chairman ng Partido Reporma.
Tanging mga banayad o mild na sintomas tulad ng sore throat at mababang lagnat ang naramdaman ni Lacson nang magpositibo siya sa COVID-19 noong Enero 4 sa kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng mga nahahawa ng Omicron variant.
Bukod sa walang ibang karamdaman ang senador, nakatulong din sa kanyang mabilis na paggaling ang bakuna at booster shot kontra COVID-19.
Sa panayam ng Manila Bulletin noong Biyernes, sinabi ni Lacson na sinusuportahan niya ang mga hakbang para sa malawakang information at education campaign ng pamahalaan hinggil sa pagiging ligtas at mabisa ng mga COVID-19 vaccine na ibinibigay nang libre sa mga Pilipino.
Sa isyu ng “no vax, no ride” policy, sinabi niya na mahalagang mabalanse ang kabuhayan at kaligtasan ng publiko dahil kapwa mahalaga ito para sa lahat. Aniya, imbes na magkaroon ng hindi patas na trato sa mga hindi bakunado, dapat silang bigyan ng kaalaman sa mga benepisyong dala ng bakuna at kung paano nila ito mabilis na matatanggap.
“Make the vaccines available, but equally important, make the vaccines accessible… ‘Yung iba gusto magpabakuna, pero hindi makapagpabakuna kasi hindi nila alam, tapos kung alam man nila ay wala rin silang kapasidad na para pumunta sa mga centers. So, government should get out of its way para ma-maximize ‘yung vaccination,” saad ni Lacson.
Bahagi ng mga prayoridad ni Lacson sa kanyang 2022 presidential bid ang implementasyon ng mga istratehiya para sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya, kabilang na ang pagpapalakas ng public health system sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo upang ganap nang maipatupad ang Universal Health Care Act of 2018. ###