Sa oras ng sakuna o iba pang emergency napakahalaga na maabot agad ng mga mamamayan ang pamahalaan para makahingi ng tulong, pero apektado ang serbisyo publiko kung may mga taong umaabuso sa mga hotline ng gobyerno.
Kaya naman payo ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa mga lokal na pamahalaan, dapat ay sampolan ang mga prank at drop caller ng kanilang hotline para sa mga humihingi ng tulong sa awtoridad.
“At least call the attention na alam niyang his number is being detected tapos ma-preempt siya, next time, alam niyang made-detect. And then, word-of-mouth, ‘hoy! Huwag kayong mag-prank calls… Ako, pinasyalan na ako dito, ‘di ba?’” pahayag ni Lacson sa kanyang pakikipagpulong kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sa isang pagpupulong nitong Biyernes (Disyembre 17), napag-usapan nina Lacson at Magalong ang nasabing isyu simula nang mag-umpisa ang pilot run ng 911 emergency hotline sa Baguio City noong Oktubre. Kaugnay ito ng paglulunsad ng Smart City Command Center sa Summer Capital of the Philippines.
Ayon sa chief of staff ni Magalong na si Philip Puzon, sa higit 16,000 na tawag na kanilang natanggap mula sa 911 hotline umabot sa higit 7,000 ang prank call at 5,000 naman ang drop call. Aniya pa, tanging 0.6 porsyento lamang ang mga lehitimong tawag na naitala kaya naman nababahala ang lokal na pamahalaan.
Ibinigay na suhestiyon ni Lacson ang pagtukoy sa kung sino ang nasa likod ng mga prank at drop call dahil madali naman umano itong nagagawa ng kanilang sistema at para mabigyan ang mga ito ng personal na paalala dahil sa maling paggamit ng hotline.
Tinanggap naman ni Puzon ang payo ni Lacson dahil maging ang mga miyembro ng Baguio City Council ay pinag-aaralan na ang pagpapasa ng resolusyon o ordinansa para maparusahan ang mga indibidwal na umaabuso sa 911 hotline.
Naniniwala si Lacson na epektibong paraan ang word-of-mouth marketing o personal na paglalahad ng karanasan para maipaalam sa publiko na hindi dapat ginagawa ang prank call na nagiging sagabal sa mga lehitimong tumatawag sa emergency hotline.
“At the proper time, they will be educated and the number of our prank calls will drop,” ayon sa batikang mambabatas.
Narespondehan na ng Baguio 911 call center ang iba’t ibang kaso ng medical at mental health emergencies, aksidente sa daan, karahasan sa tahanan, krimen, at iba pang insidente na kinakailangan ng tulong mula sa pulisya o lokal na pamahalaan.
Sa pagbisita pa rin ni Lacson sa Baguio City, ipinakita ni Magalong ang kanilang command at communication center, na ayon sa mambabatas ay may malaking potensyal upang makamit ng Baguio City ang ‘zero crime rate’ sa tulong ng modernong teknolohiya.