Para sa pag-unlad at ikabubuti ng bansa, hinahangad ni Partido Reporma chairman at presidential bet Panfilo “Ping” Lacson na iangat ang kaalaman ng mga botante tungkol sa eleksyon at mga plataporma ng bawat kandidato, imbes na idaan sa pa-TikTok o parada ang dapat ay seryosong usapan.
Paliwanag ni Lacson, napag-usapan na nila ng kanyang running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na gusto nilang itaas ang diskursong politikal at magbigay edukasyon sa mga botante sa pamamagitan ng kanilang kampanya.
“Kasi kung dadaanin natin sa entertainment—mga motorcade, caravan—parang wala masyadong natututunan ‘yung ating electorate,” pahayag ni Lacson.
Hangad rin ng tambalang Lacson-Sotto na magkaroon ng mas matalinong talakayan sa mga isyu sa bansa, aniya, “Kasi hindi biru-biro itong ating panahon, ‘di ba? Napaka-unusual, napaka-extraordinary.”
Sa gitna ng bagsak na ekonomiya, maraming nawalan ng trabaho at iba pang isyu kaugnay ng umiiral pa ring pandemya, sinabi ni Lacson na “hindi makaka-solve ng problema ‘yung TikTok.”
Ayon sa mambabatas, mas mabibigyan ng solusyon ang mga problema kung pag-uusapan ang mga ito, katulad ng kanilang ginagawa sa mga “Online Kumustahan” kung saan nakikipag-ugnayan sila sa mga lokal na lider, residente, maliliit na negosyante at iba pang miyembro ng mga komunidad upang lubos na maunawaan ang kanilang mga pangangailangan.
“Mas maganda na ‘yung maintindihan natin ano ‘yung mga isyu, mga concern para nang sa ganoon diretso ‘yung mga polisiya na iniisip natin, tutugma doon sa needs at saka ‘yung priorities ng mga nasa lugar na kinalalagyan nila,” ayon pa sa standard-bearer ng Partido Reporma.
Facebook Comments