“Kami po sa grupo namin maliit lang po kami. Kami ‘yung ‘The Magnificent 5.’ Lima lang po kami sa grupong talagang palaging nagsasama. Sapagkat hindi natin kailangan ng isang batalyon ng pulitiko para isalba ang bansang ito.”
Ang pahayag na ito ang namutawi kay dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na isa sa mga senatorial candidate ng tambalan nina independent presidentiable Panfilo ‘Ping’ Lacson at Vicente ‘Tito’ Sotto III sa kanilang pagharap sa mga residente ng Tarlac nitong Lunes, Abril 25.
Sa pagpapatuloy ng kanyang talumpati, tinukoy ni Piñol ang mga natatanging kwalipikasyon ni Lacson para pamunuan ang bansa dahil sa angkin nitong kakayahan para harapin ang patuloy na lumulubhang problema sa korapsyon.
“Kailangan lang natin ng isang matinong presidente tulad ni Ping Lacson na mamumuno para magbago ang buhay natin. Alam niyo kung anong problema ng ating bansa? Tulad ng sinabi ni Ping Lacson, korapsyon,” dagdag ni Piñol.
Ang ‘The Magnificent 5’ ay kinabibilangan nina Lacson, Sotto, Piñol at dalawa pang kandidato sa pagkasenador na sina Dr. Minguita Padilla at dating police Gen. Guillermo Eleazar na hindi nakadalo sa aktibidad dahil sa mga nauna nilang iskedyul.
Gaya ng madalas na paalala ni Lacson ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng kampanya, umapela si Piñol sa mga botante na magmuni-muni at isiping mabuti ang gagawing desisyon sa pagboto ng pangulo bago tumungo sa mga lugar-botohan sa Mayo 9.
Aniya, huwag sanang malunod sa aliw at sayaw na ‘Paro Paro G’ ang mga botante, bagkus ang dapat na maging batayan nila sa pagboto ay kung ang sapat ang kakayahan ng isang lider na pamunuan ang bansa sa ilalim ng kasalukuyang situwasyon ng pandemya at ga-bundok na utang ng pamahalaan.
“Hindi po ito entertainment business. This is serious business. Sapagkat tayo po ay lalabas sa isang krisis at kailangan natin ng isang matibay, matatag at mapagkakatiwalaang lider ng bansa,” ayon pa kay Piñol.
Hindi rin aniya makatarungan na gawing batayan sa pagboto ng lider ang kanilang pagkanta sa publiko, mga matitingkad na ilaw, at makukulay na kolorete sa entablado tuwing panahon ng kampanya.
“My dear friends, let us not be entertained by the dances and singing, and bright lights and colorful confetti. This campaign is beyond colors. It is beyond music; it is beyond dancing. This campaign is all about the future of this country,” diin ni Piñol.
Muli ring ipinunto ni Piñol kung ano ang kanyang personal na dahilan sa pagsuporta at pagsama sa grupong Lacson-Sotto.
“Ito ang taong alam niya kung saan dadalhin ang ating bansa. Isang maliwanag na kinabukasan na kung saan ang korapsyon ay mababawasan natin at ang perang ating malikom ay maibibigay sa ating mamamayan in the form of services,” banggit ni Piñol patungkol kay Lacson.
Paalala ni Piñol sa mga botante, isang pagkakamali lang aniya ng pagboto ay siguradong ang mga susunod na henerasyon ang magdurusa sa magiging epekto nito.
“Kapag nagkamali po tayo ng pagpili ng tamang presidente sa Mayo 9 mapapariwara ang ating bansa at sisingilin tayo ng ating mga anak at ng ating mga apo. ‘Lolo, anong ginawa mo? Bakit ka nagkamali?’ Let us not commit that mistake,” saad ni Piñol.