Cauayan City, Isabela- Mas lalong nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili ang isang Pinoy nurse sa Dubai, UAE matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.
Sa ekskusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Paul John Reyes, isang nurse sa Dubai, UAE na residente ng Turayong, Cauayan City, Isabela, kanyang sinabi na kabilang siya sa mga may hawak ng COVID-19 patients sa isang ospital kaya’t mataas aniya ang tiyansa na siya ay mahawaan o kapitan din ng nakamamatay na virus.
Bahagi din aniya sa protocols ng UAE na iprayoridad ang mga frontliners gaya ng mga healthworkers kaya’t kinakailangan talaga aniya na sila ay sumunod sa pagbabakuna.
Inamin naman ni Mr. Reyes na nagkaroon ito ng takot sa bakuna subalit kalauna’y nahikayat at pumayag din na maturukan ng Sinopharm vaccine mula sa China.
Normal naman ani Reyes na makakaramdam ng epekto ng anumang bakuna sa katawan subalit kanyang ibinahagi na wala itong kakaibang naramdaman sa sarili matapos na mabakunahan.
Kanyang sinabi na paano nito mapoprotektahan ang ibang tao kung wala itong proteksyon sa mismong sarili.
Dahil dito, mas kumpiyansa nang pumasok sa isolation room ng ospital si Reyes dahil sigurado na aniya siyang protektado ito ng bakuna.
Mayroon naman aniyang sinusunod na guidelines sa pagbibigay ng bakuna sa kanyang pinagtatrabahuan na kung pasado sa lahat ng pagsusuri ang isang indibidwal ay maaari nang mabigyan ng bakuna.
Pagkatapos maturukan ng bakuna, mananatili muna sa observation room ng 15 minuto upang makita ang posibleng magiging reaksyon ng bakuna sa katawan.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Mr. Reyes ang lahat na huwag matakot magpabakuna kundi magtiwala lamang upang magkaroon ng proteksyon sa sarili kontra sa COVID-19.