Binawian ng buhay ang isang Pilipinong nurse sa United Kingdom, habang naka-self quarantine matapos ma-expose sa COVID-19 patient.
Nakapag-post pa sa Facebook noong Marso 24 si Donald “Dondee” Suelto, 51-anyos, tungkol sa pasyente niyang may lagnat, ubo, at iba pang sintomas ng COVID-19 sa Barts Health National Health Service (NHS) Trust sa London.
Noong Marso 28 nang abisuhan siyang mag-quarantine nang isang linggo at sa unang tatlong araw ay wala pa raw nararamdamang sintomas ang nurse, ayon sa kaanak sa Scotland na madalas nitong nakakausap.
Patapos na ang linggo nang magkaroon ng lagnat si Suelto kaya ipinagpatuloy pa nito ang quarantine.
Nitong Abril 5 nang tuluyan nang hindi matawagan ang nurse, dahilan upang iulat na ito sa awtoridad ng kanyang mga kaibigan at kaanak.
Kasunod nito, bangkay na nang datnan ng pulisya si Suelto sa kanyang apartment noong Abril 7.
Naghihintay pa ng utos at imbestigasyon mula sa awtoridad ang pamilya ng nurse, habang nagsimula namang mangalap ng tulong pinansyal ang kanyang mga kaibigan sa GoFundMe page.
Samantala, tinatayang nasa 18,000 Pinoy health workers ang nakadestino sa United Kingdom.