Pinoy repatriates, posibleng isailalim na sa COVID test bago pa man ang kanilang flight pabalik ng Pilipinas

Plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isailalim na sa COVID-19 test ang mga uuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) bago pa man ang kanilang flight pabalik ng Pilipinas.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, layon nito na hindi na maulit ang mahabang quarantine sa Pilipinas ng mga Pinoy repatriates.

Marami kasing OFWs ang inabot ng mahigit isang buwan sa quarantine facilities ng gobyerno matapos maantala ang paglabas ng kanilang COVID-19 test result.


Humingi naman ng paumahin si Bello sa mga OFW matapos na makaranas ang mga ito ng anxiety sa loob ng quarantine facilities dahil sa haba ng kanilang hinintay sa paglabas ng resulta ng kanilang COVID test.

Samantala, pumalo na sa 2,845 ang bilang ng mga Pilipino sa abroad na tinamaan ng COVID-19 matapos na madagdagan ng 24 na panibagong kaso.

Labing-isa (11) naman ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling na umabot na sa 947 habang anim ang panibangong death cases na sumampa na sa 340.

Facebook Comments