Pinsala ng Bagyong Bising sa agrikultura, umabot na sa halos P46 milyon

Umabot na sa ₱45.93 million ang pinsala ng pananalasa ng Bagyong Bising sa agrikultura sa Bicol Region at Eastern Visayas.

Batay sa Department of Agriculture – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DA-DRRM-OpCen), naapektuhan ng bagyo ang nasa 1,599 hektaryang taniman ng 765 magsasaka kung saan nasira ang 3,009 metric tons ng kanilang produksyon.

Kabilang sa mga naapektuhan ang palayan, maisan, gulayan at prutasan gayundin ang livestock.


Sa kabila nito, kabuuang 14,589 hektarya ng palayan ang naani ng mga magsasaka bago pa tumama ang bagyo sa Regions 5, 8, at 13 na katumbas ng 59,543 metric tons ng produksyon at nagkakahalaga ng ₱1.08 billion.

Naisalba rin ang 534 hektarya ng maisan mula sa Region 5 at 8 na katumbas ng 1,411 metric tons ng produksyon at nagkakahalaga ng ₱18.20 million.

Tiniyak naman ng DA na may nakahandang tulong ang ahensya sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda kabilang ang:

  • Rice seeds na may 18,478 bags, corn seeds na may 12,530 bags at assorted vegetable seeds na may 1,640 kilograms para sa Regions 2, 4-A, 5, 8 at 13
  • Drugs and biologics para sa livestock at poultry
  • Survival and Recovery (SURE) Loan Program of Agricultural Credit Policy Council (ACPC)
  • At tulong pinansyal mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC)
Facebook Comments