Pinsala ng nagdaang Bagyong Egay at habagat sa agrikultura at imprastraktura, pumalo na sa ₱12-B

Sumampa na sa kabuuang ₱12 billion ang iniwang pinsala nang nagdaang Bagyong Egay at habagat sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.

Batay ito sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa nasabing halaga, ₱5.9 billion ang pinsala ng sama ng panahon sa agrikultura kung saan pawang napuruhan ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera Region.


Samantala, sa imprastraktura naman ay lumobo pa sa ₱5.9 billion ang pinsala partikular sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Davao region, Soccsksargen, BARMM, at Cordillera.

Umaabot naman sa 81,371 mga kabahayan ang sinira ng bagyo mula sa 12 rehiyon sa bansa.

Kaugnay nito, nananatili sa 30 ang iniwang patay ng bagyo kung saan 12 ang kumpirmado habang ang 18 ay patuloy pang beneberipika.

Nakapagtala rin ng 171 nasaktan at 9 pa rin ang nawawala.

Mahigit 5.3 milyong indibidwal o 1.3 milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyo mula sa 14 na rehiyon sa bansa.

Facebook Comments