Cauayan City, Isabela – Umaabot na sa inisyal na limang milyong halaga ang napinsalang pananim na palay at mais ng mga magsasaka sa lungsod ng Cauayan City dahil sa naging hagupit ng bagyong ompong.
Ayon kay Mayor Bernard Dy ng Cauayan City, maaring madagdagan pa ang nabanggit na halaga sa napinsalang produktong agrikultura hanggang sa matapos ang isinasagawang monitoring ng Department of Agriculture sa lungsod.
Aniya patuloy ang kaniyang direktiba sa mga opisyal upang imonitor ang mga napinsalang ari-arian at kabuhayan ng mga Cauayeños upang magkakaroon na ng kabuuang datos hanggang bukas.
Sinabi pa ng alkalde na karamihan umano sa mga pananim ng mga magsasaka sa lungsod ay hindi na mapapakinabangan at hinihintay lamang na isailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Isabela para mabigyan din ng tamang ayuda ang mga biktima ng bagyo.
Samantala patuloy parin ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga residente lalo na sa mga nasira ang tahanan at nagpahayag pa ng pasasalamat si Mayor Dy sa lahat ng ahensya sa kanilang puspusang pagtulong sa pagragasa ng bagyong ompong.