Pumalo na sa 10.79 bilyong piso ang pinsalang naidulot sa imprastruktura ng Bagyong Ulysses ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, tinatayang nasa apat na milyong indibidwal ang napinsala ng Bagyong Ulysses mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region.
Paglilinaw naman ni Jalad, nananatili pa rin sa 73 ang nasawi dahil sa Bagyong Ulysses, mas mataas sa naitalang nasawi noong Bagyong Rolly na nasa 25.
Samantala, isang Komite ang bubuuin ng NDRRMC para pangasiwaan ang state weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at dam operators sa pagbubukas ng mga gate ng dams tuwing may bagyo.
Giit ni Jalad, nasa kamay pa rin ng PAGASA at ng dam managers ang pasya kung magpapalabas ng tubig sa kasagsagan ng kalamidad.
Habang alinsunod na rin ito sa desisyon noong panahon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ang PAGASA ang magdedesisyon dahil tanging sila ang nakakakita ng forecast ng malalakas na pag-ulan.