Nadagdagan pa ang halaga ng pinsala sa sektor ng pangisdaan sa buong Ilocos Region ayon sa datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sa naturang ulat, 79 metriko tonelada o katumbas ng 11.4 milyong piraso ng produkto ang nalugi sa 2,040 mangingisda.
Pinakamaraming apektadong mangingisda ang naitala sa La Union na nasa 1,011, pangalawa ang Pangasinan na nasa 393, Ilocos Norte na nasa 331, at Ilocos Sur na nasa 305.
Nasira din ang 62 units ng bangkang pangisda kung saan 46 ang partially damaged at 16 naman ang nawasak.
Ang naturang datos ay mula pa sa pananalasa ng Bagyong Crising hanggang sa magkasunod na bagyong Dante at Emong maging ng habagat.
Patuloy pa ang pangangalap ng kabuuang datos sa Ilocos Region upang matukoy ang susunod na hakbang ng ahensya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









