Cauayan City, Isabela- Umaabot sa mahigit P60 milyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura partikular sa ilang palaisdaan, livestock at gulayan dulot ng malawakang pagbaha dahil sa nararanasang pag-uulan sa lalawigan ng Cagayan.
Inihayag ni Danilo Benitez, Provincial Agriculturist, ilan sa mga naapektuhang lugar sa lalawigan ay ang mga bayan ng Sta. Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, at Allacapan kung saan higit na nakaranas ng pagtaas ng lebel ng tubig ang ilang pananim.
Batay sa inilabas na datos, higit 7,000 ekta-ektaryang pananim na palay, 100 ektarya ng pananim na mais at 10 ektarya ng gulayan ang napinsala ng malawakang pagbaha dahil sa pag-uulan.
Sinabi pa ni Benitez, kasalukuyan pa rin ang pagkalap nila ng datos kung may mga pinsala rin sa iba pang bayan sa lalawigan at tiyak naman na madaragdagan pa ang pinsala kung magpapatuloy ang pag-uulan sa mga susunod na araw.
Sa ngayon ay nakahanda na ang mga tulong na ipagkakaloob ng pamahalaan sa mga apektadong magsasaka dahil sa naranasang pagbaha.