Pinsalang iniwan sa sektor ng agrikultura ng walang tigil na pag-ulan umabot na sa halos 60-M; halaga naman ng pinsala sa imprastraktura at irigasyon, pumalo na sa higit 16-M

Aabot na sa ₱59.82 milyong ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang iniwan ng walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha bunsod ng sama ng panahon sa Visayas, Mindanao at ilang bahagi sa Southern Luzon.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang pinakamalaking halaga ng pinsala sa nasabing sektor sa Bicol Region o Region 5 na pumalo sa higit ₱52.72 milyon at sumunod ang Northern Mindanao o Region 10 na nasa ₱7.1 milyon.

Habang, nasa halos 2,000 mga magsasaka at mangingisda ang apektado dahil sa sama ng panahon.


Aabot naman sa ₱14.58 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa mga apektadong lugar.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center Head Diego Agustin Mariano na ang nasabing pinsala ay mula sa 22 imprastraktura sa Region 5 at 10.

Nasa 534 kabahayan aniya ang napinsala ng pag-ulan, kung saan 369 ang partially damaged at 165 ang totally damaged.

Samantala, mahigit dalawang milyong piso naman ang pinsala sa sektor ng irigasyon.

Una na rin kinumpirma ng NDRRMC na umabot na sa labing-tatlo (13) ang napaulat na nasawi, habang tatlo ang sugatan dahil sa sama ng panahon.

Pito sa mga nasawi ang mula sa Region 10; tatlo sa Bicol Region; dalawa sa Region 8; at isa sa Region 9.

Mayroong ding dalawampu’t tatlong naitala na nawawala, habang anim ang nasaktan.

Habang, ilang lugar na rin ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa pag-ulan at pagbaha na kinabibilangan ng buong Misamis Occidental; Gingoog City sa Misamis Oriental; bayan ng Claver sa Surigao del Norte; at bayan ng llorente sa Eastern Samar.

Facebook Comments