Wednesday, March 18, 2026

PINTADOS TI BUSCALAN, TAMPOK SA PAGDIRIWANG NG HUNDRED ISLANDS FESTIVAL 2026

Masasaksihan sa Alaminos City ang natatanging pagtatampok ng sining at kultura sa “Pintados ti Buscalan,” bilang bahgai ng selebrasyon ng Hundred Islands Festival 2026 na gaganapin sa mula Marso 19 hanggang 21, 2026, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Itatampok sa aktibidad ang mga inapo ng Apo Whang-Od na magpapakita ng sinaunang sining ng batok o hand-tapped tattooing mula sa Buscalan, Kalinga. Ang paraang ito ay gumagamit ng tinik at patpat na kawayan upang manu-manong maipasok ang tinta sa balat—isang tradisyong minana pa mula sa mga ninuno at patuloy na pinapahalagahan hanggang sa kasalukuyan.

Layunin ng gawaing ito na maipakilala at mapanatili ang mayamang kultura ng mga katutubong pamayanan, habang binibigyan ng pagkakataon ang mga bisita na maranasan ang isang makasaysayang anyo ng sining. Hindi lamang ito simpleng tattoo session, kundi isang paglalakbay sa kasaysayan at identidad ng isang komunidad.

Bahagi ang “Pintados ti Buscalan” ng mas malawak na selebrasyon ng sining, turismo, at kultura sa lungsod, na naglalayong ipakita ang kahalagahan ng tradisyon sa paghubog ng makabagong lipunan. Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, patuloy na naipapasa ang mga kwento at pamana ng nakaraan sa susunod na henerasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments