Manila, Philippines – Tinawag na “Extravagant” at “Excessive” ng Commission on Audit ang mga naging biyahe sa labas ng bansa ng nagbitiw na tagapamuno ng Tourism Promotions Board na si Cesar Montano.
Lumabas sa 2017 COA report, na nagmalabis sa paggastos si Montano matapos umabot sa P2.276 million ang kanyang biyahe sa mga bansa sa Asya, Europe, Australia at North America.
Batay sa COA report na may kabuuang labing apat na foreign trips si Montano sa nakalipas na taon o katumbas ng siyamnapu’t isang araw.
Nasilip pa ng ahensya na bumiyahe si Montano sa Russia, Canada at Amerika sakay ng ‘business class’ sa eroplano at umabot ang gastos nito sa halagang P594,000.
Ang ginawa na ito ni Montano ay taliwas sa mga executive order na nag-aatas sa lahat ng opisyal ng gobyerno na bumiyahe lamang ng ‘economy.’
Maliban dito, kinuwestyon pa ng COA ang pagpapadala ng TPB ng mga tauhan na wala namang kinalaman sa foreign travels, kabilang na rito ang private secretary ng dating tourism official.
Umabot umano sa mahigit P2.995 million ang nagastos para sa private secretary at executive assistant na kasama ni Montano sa kanyang labing-isa mula sa labing-apat na foreign trips.
Ayon pa sa COA, dapat ay humanap noon ang TPB ng mga paraan upang mabawasan ang gastos.
Inatasan naman si Montano at dalawa niyang personal assistant na i-refund ang mahigit sa P60,000 na para sana sa mga ticket upang makadalo sa Philippine Business Mission sa Japan, subalit hindi nadaluhan ng tatlo.
Matatandaan noong Mayo ng kasalukuyang taon, nagbitiw si Montano sa pwesto sa kasagsagan ng isyu ng katiwalian laban sa kanya, kabilang na ang P80 million Buhay Carinderia Project na bagaman hindi nakumpleto ay nakakuha umano ng ‘kickback’ ang aktor.