Cauayan City, Isabela- Pinuri at pinasalamatan ni MGen. Laurence E. Mina, Commanding General ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang media sa suporta sa kasundaluhan kasabay ng ginanap na 11th Ranger Olen Challenge 3rd Quarter 2021 Media Fellowship sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi Gamu, Isabela noong araw ng Biyernes, July 16, 2021.
Sa mensahe ni MGen. Mina, malaki aniya ang papel at kahalagahan ng sektor ng media sa kampanya ng kasundaluhan laban sa komunismo at terorismo.
Nagsisilbi aniyang boses ng kasundaluhan ang media sa pagpapaabot ng kanilang mga ginagampanan sa lipunan at mga adhikain sa bayan.
“Pinapahalagahan ko kayo sapagkat kayo ang magsisilbing boses namin sa ating mga kababayan” ani MGen. Mina.
Kinilala ng Heneral ang mga lokal na mamamahayag sa rehiyon dos at sa Cordillera region dahil sa ibinibigay na sakripisyo at katapangang ihayag sa publiko ang mga totoong nagawa, accomplishments at programa ng kasundaluhan ng 5ID sa mamamayan.
Kaugnay nito, hiniling ng Heneral sa mga media ang patuloy na pagsuporta sa pagpapaabot ng mensahe at layunin ng kasundaluhan sa taong bayan.
Nangako naman si MGen. Mina na ipagpapatuloy ng buong Startroopers ang magandang paglilingkod sa mamamayan mula sa Lambak ng Cagayan at sa bahagi ng Cordillera.
Umaasa ang pinuno ng 5ID na sasamahan pa rin ng media ang kasundaluhan sa mga susunod pang yugto bilang kanilang katuwang sa pagkamit ng kaayusan at tunay na kapayapaan ng bansa.