Sinampahan ng patong-patong na reklamo sa Office of the Ombudsman ang Presidente at Chief Executive Officer ng Philippine International Trade Incorporation (PITC) na si Dave Almarinez.
Ang naghain ng reklamo ay si Atty. Larry Gadon.
May kaugnayan ito sa umano’y nabigong mai-deliver na P1.35-B na halaga ng equipment na binili ng Philippine National Police (PNP) noong 2016.
Kabilang sa mga isinampang asunto ni Gadon ay malversation of public funds, illegal use of public funds, entering into prohibited transactions at paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.
Ipinabubusisi rin ni Gadon sa Ombudsman ang report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing 23 percent o P311.97-M na halaga lang na equipment ang na-i-deliver sa PNP.
Sa report ng COA, inirekomenda nito sa PNP na igiit sa PITC na-i-deliver ang mga kagamitan na kanilang kailangan o ibalik na lang ang halaga sa National Treasury.
Ang PITC ay ang state trading arm sa ilalim ng Department of Trade and Industry.