Cauayan City, Isabela- Nagbabala si PCol. Ariel Quilang, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office na hindi nito sasantuhin ang mga tiwaling opisyal o sinumang kasapi ng pulisya sa Lalawigan na sangkot sa mga illegal na gawain.
Ayon sa pahayag ng Provincial Director ng Cagayan, seryoso ito sa kanyang babala para sa mga mapapatunang sangkot sa illegal gambling, logging, drugs o anumang porma ng katiwalian at maling gawain sa kanilang hanay.
Kasunod na rin ito ng mga natanggap na sumbong mula sa mga concerned citizen na may ilang miyembro ng kapulisan ang sangkot sa mga nasabing illegal na gawain kung saan protektor ang mga ito ng Jueteng, STL, Peryahan ng bayan at illegal na pamumutol ng kahoy.
Bagamat may nakuhang Status Quo Ante Order ang mga operator mula sa korte ay hindi naman pinayagang mag-operate ang Peryahan sa bayan at binawi rin ang prangkisa ng STL sa probinsya.
Kaugnay nito, hinamon ni Governor Manuel Mamba ang pamunuan ng PNP na ipatigil ang lahat ng porma ng illegal na sugal sa Cagayan.
Aniya, bukod sa inilalagay sa panganib sa Covid-19 ang mga mamamayan ay tinuturuan pa ng mga operator ang mga taumbayan na gumasto at magsugal kung saan protektor lamang ang mga karaniwang nananalo.