Arestado ng National Bureau of Investigation Special Task Force (NBI-STF) ang pitong babaeng nagbebenta ng mga gamot ng gobyerno na inilalaan sa mga pasyenteng nasa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Eric B. Distor ang mga nadakip na sina Aliza Macalambos, Jen Tubongbanua, Clarita Selga, Maria Fe Nisnisan Quimno, Emilda Besmonte, Norhata Batua at Virginia Dela Cruz.
Una nang hiniling ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na imbestigahan ng NBI ang ilegal na pagbebenta ng gamot na para sa mga mahihirap na pasyente.
Agad nagsagawa ng test buy ang NBI at nang magpositibo ay agad na ikinasa ang buy-bust operation sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkaka-aresto at pagkakasamsam ng mga gamot para sa mga pasyenteng may kidney disease.
Magsasagawa ng follow-up investigation ang NBI-STF upang matukoy kung sinu-sino ang mga kasabwat ng mga suspek sa paglalabas ng mga nasabing gamot.