Cauayan City, Isabela – Nasunog kaninang hapon ang pitong kuwartel ng mga trabahador ng Talavera Hypermarket sa Paraiso St. Purok 5, Cabarauan, Cauayan City Isabela.
Umaabot sa labin isang barracks ang magkakadikit sa lugar na maswerte namang hindi lahat natupok ng apoy matapos na sumabog ang de-bombang lutuan ng isa sa mga manggagawa ng nasabing establisyemento.
Ayon kay Abet Passion, isa sa mga biktima at nakatira sa lugar, itinawag naman umano kaagad sa bumbero ang sunog ngunit nahirapang hanapin ang lugar kaya’t tumagal ng dalawang oras bago dumating ang mga bumbero.
Labing anim na trabahador naman ang nakatira sa lugar kasama ang kanilang mga pamilya at karamihan ay nasa construction department ng Talavera.
Pahayag naman ni Mrs Merlyn Nasis na asawa ng isa sa mga workers ng Talavera na maraming gamit din ang nasunog, mga pera at halos mga damit ng mga nasunugan.
Samantala, wala namang nasawi o nasugatan sa mga biktima matapos na yero na lamang ang bumagsak at poste ng mga tirahan na naging uling na lamang dahil sa gawa sa plywood ang mga dingding ng mga temporaryong tirahan ng mga empleyado ng Talavera Hypermarket.