Pitong lugar sa Metro Manila ang mahigpit na mino-monitor ngayon ng Department of Health (DOH) matapos makitaan ng bahagyang pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga lungsod na ito ay ang Pasig, Muntinlupa, Pasay, Quezon, Caloocan, Marikina, at Pateros.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa Pasig City, tumaas ng labing pito ang kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng dalawang linggo dahilan para umakyat na sa 69 ang aktibong kaso sa lungsod.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Vergeire na nananatili pa rin sa low risk classification ang Metro Manila at hindi pa rin ito indikasyon na tumataas muli ang kaso ng COVID-19.
Ang pagtaas sa kaso sa ilang lungsod sa Metro Manila ay matapos ihayag ng DOH na mayroon nang local transmission ng Omicron Subvariant na BA.2.12.1 sa Pilipinas.
Sa ngayon ay 17 na ang kumpirmadong kaso ng BA.2.12.1 sa bansa na na-detect sa Metro Manila, Western Visayas, at Puerto Princesa City sa Palawan.