Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa pitong pasaherong dumating sa bansa mula sa South Africa na mahaharap sila sa kaukulang kaso.
Ito ay dahil sa pagbibigay nila ng maling impormasyon sa contact tracing kung saan hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila natutukoy.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, pakakasuhan nila ang mga ito lalo na’t maling-mali aniya ang ginawa ng mga ito.
Sinabi ng DOH na sa mga nasabing pasahero, tatlo ang inilagay ang numero ng kanilang agency, isa ang nagbigay ng maling contact number, isa ang kulang ang detalye habang ang dalawang natitira ay hindi naman sumasagot.
Una nang natukoy ang isang pasahero na Returning Overseas Filipino at kasalukuyang nasa home quarantine kahit nagnegatibo na ito sa RT-PCR test.