Patuloy na makamonitor ang pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa pagdagsa ng mga pasahero o mga commuter kasabay ng long weekend.
Una nang sinabi ng Media Affairs Division ng PITX na maaaring umabot sa 120,000 commuters ang magtutungo sa terminal hanggang mamayang gabi.
Ayon kay PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador, nakatutok pa rin at nagbabantay ang kanilang personnel sa isa sa pinakamalaking pampublikong terminal sa Metro Manila dahil halos kasi lahat ng biyahe ng probinsya ay nasa terminal na.
Sa ngayon, nakaantabay naman ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kasama na ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) at Parañaque City Traffic Management Office upang tiyakin ang maayos na daloy ng biyahe.
Samantala, tiniyak din ni Salvador na magiging maganda ang karanasan ng mga pasahero kahit na ang mga ito ay nag aantay ng kanilang scheduled trip dahil kumpleto na halos ng pasilidad ang buong terminal.