Pinawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) ang dalawang utos ng Legazpi City Regional Trial Court na makapagpiyansa si Daraga, Mayor Carlwyn Baldo.
Ito’y may kaugnayan sa kinakaharap na kasong pagpatay kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe noong 2018.
Sa sampung pahinang desisyon ng 12th Division ng CA, nagkaroon umano ng grave abuse of discretion si Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano ng Legazpi City Regional Trial Court, Branch 10 sa pagpayag na makapagpiyansa si Baldo
Ito’y kahit na may iprinisintang ebidensya at testigo ang prosekusyon laban sa alkalde.
Ayon sa desisyon ng CA na nilabas noong Marso 1, 2023, inutusan ang RTC na ulitin ang pagdinig sa bail petition ni Baldo.
Binanggit pa ng CA na nagkamali ang RTC dahil hindi nito isinalang-alang ang testimonya ng tatlong testigo ng prosekusyon.
Nabatid naman sa kampo ni Batocabe na ililipat ang kaso laban kay Mayor Baldo sa Manila Regional Trial Court.
Matatandaan na si Batocabe at ang security aide na si SPO2 Orlando Diaz ay napatay nang tambangan habang papalabas ng Burgos Elementary School sa Daraga, Albay matapos mamigay ng regalo sa mga residente ng bayan noong Disyembre 2018.