“Kung bibisita po sina ate at kuya, padalhan niyo nalang ng po ng extrang pera, pizza, at doughnut. Hehe.”
‘Yan ang hiling ni Darwin Dormitorio sa kaniyang magulang ilang araw bago siya bawian ng buhay.
Namatay ang 20-anyos na PMA Fourth Class Cadet nitong Setyembre 18 dahil sa blunt force trauma na tinamo niya sanhi ng hazing.
Batay pa sa huling liham ni Dormitorio, nasa pagamutan siya habang sinusulat ang mensahe para sa kaanak.
“Ma and Pa, na-ospital pala ako ngayon pero okay lang naman na po ako. Bumisita ‘yung mga kasama ko dito so nag-request ako na mag-send ng message.”
Ayon pa sa biktima, miss na niya ang kaniyang pamilya at alagang aso na si Brando.
“Okay lang po ako dito sa PMA, nakapag-adjust na ako sa mga walang tulog na mga panahon,” sambit ng yumaong binata.
Sa huling bahagi ng liham, mababasa ang salitang “i love you all” na inalay niya para sa mga kamag-anak.
Inihayag ng kapatid ng estudyante na binisita niya pa ang kadete noong Agosto 25 matapos mabasa ang sulat nito.
Salaysay ni Dexter, ipinadala ito ng kasamahan ng biktima sa kanilang nanay.
Samantala, nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw ang tatlong suspek na itinurong nagsagawa ng hazing kay Dormitorio.
Ang iba pang kadete na may alam sa krimen, mahaharap sa kasong administratibo.