PLANADO | Paglilipat kay Lapeña sa ibang puwesto nakaplano na – Malacañang

Manila, Philippines – Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na matagal nang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat si Customs Commissioner Isidro Lapeña sa ibang posisyon.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo kasunod na rin ng anunsiyo ni Pangulong Duterte kahapon na ililipat niya si Lapeña bilang Director General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at may Cabinet Secretary Rank.

Ayon kay Panelo, napaaga lang ang pag-aanunsiyo ni Pangulong Duterte dahil sa susunod na linggo pa aniya ito dapat isasapubliko.


Ilan lang aniya sa dahilan kung bakit napaaga ay para maisalba si Lapeña sa napakaraming intriga sa Customs.

Sinabi pa ni Panelo na sobra na ang paninira kay Lapeña kaya napagdesisyunan ni Pangulong Duterte na agad itong ilipat sa TESDA at ipalit dito si dating AFP Chief Rey Leonardo Guerrero na galing ng MARINA.

Ito naman aniya ang dahilan kaya nabigla ang dalawa sa naging anunsiyo ng Pangulo kahapon.

Facebook Comments