Dapat na maging mas makatao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng ayuda sa mga low-income families na apektado ng COVID-19 pandemic.
Ito ang tugon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos na isiwalat sa budget hearing sa senado kamakailan na nakatipid ng P10 billion ang ahensya dahil 14 na milyon lang mula sa 18 milyong target Filipino households ang nabigyan ng cash assistance sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa pagdinig, sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na hindi aabot sa 18 milyong pamilya ang nakatanggap ng ayuda dahil sa double compensation.
Pero giit ni Drilon, hindi na mahalaga kung may nabigyan ng doble basta hangga’t maaari ay makapagbigay ng tulong ang gobyerno sa mas marami pang pamilya.
Kinontra rin ng senador ang plano ng DSWD na gamitin ang natirang pondo para sa livelihood projects.
Katwiran ni Drilon, financial assistance ang mas kailangan ngayon ng mga tao.
Aniya, may ibang sangay rin naman ng pamahalaan na may livelihood projects habang tungkulin ng DSWD na magbigay ng agarang ayuda para sa mga Pilipinong naghirap dahil sa pandemya.