Plano ng Estados Unidos na magbigay ng military aid na $70 million sa ilalim ng EDCA, ipinalalaan sa ibang bagay

Malamig ang pagtanggap ng ilang senador sa plano ng Estados Unidos na gumastos ng $70 million o halos ₱4 billion para sa pagtatayo ng mga imprastraktura sa mga military bases ng bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat na mag-focus na lamang ang Pilipinas at US sa ibang bagay at hindi lang sa usaping militar.

Suhestyon ni Pimentel ay magkaroon na lamang ng kasunduang pang-agrikultura ang dalawang bansa nang sa gayon ay matulungan pa ng Estados Unidos ang Pilipinas sa pagpaparami ng napo-produce na pagkain.


Nagbabala naman si Senator Robinhood Padilla na ang hakbang ng US ay posibleng masamain ng China dahil maaaring isipin na para na tayong military base ng Amerika.

Dapat aniya ay maging ‘neutral’ o walang pinapanigan ang bansa lalo na pagdating sa dalawang nagbabanggaang dambuhalang bansa na US at China.

Kung tutulong man aniya ang Estados Unidos sa bansa ay makabubuting ‘cash aid’ ang ibigay ng US at huwag military aid na posibleng magbigay ng hindi magandang signal sa China.

Pinayuhan din ni Padilla ang pamahalaan na maging kaibigan at pamilya ang Pilipinas sa lahat ng mga bansang sumakop sa atin upang makapagsimula ang Pilipinas na makabuo ng sariling identity o pagkakakilanlan.

Facebook Comments