Plano ng Google na i-ban ang Political Ads, pinuri ni Senator Lacson

Malugod ang naging pagtanggap ni Presidential Aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson sa plano ng Google na huwag nang pahintulutan ang political advertising sa kanilang platform mula Feb. 8 hanggang May 9, 2022 sa kasagsagan ng kampanya bago ang botohan.

Para kay Lacson, mapipigilan nito ang pagkalat ng online trolls ng mga maling impormasyon sa internet.

Diin ni Lacson, panahon na para magkaroon ng responsibilidad ang mga social media companies sa paglilinis sa mga trolls na nagpapakalat ng fake news laban sa mga kandidato.


Inihalimbawa ni Lacson at ng katandem na si Senate President Tito Sotto III na mainam na hakbang para dito ang panukalang batas sa Australia na ibulgar ang pagkakakilanlan ng mga online trolls sa pamamagitan ng pagmamandato sa mga kumpanya tulad ng Faceook at Twitter na tukuyin ang mga ito.

Samantala, sinabi naman ng tambalang Lacson-Sotto na ipagpapatuloy nila ang kanilang kampanya na naka-angkla sa pagtataas ng lebel ng diskurso.

Ayon kay Lacson, mga isyu ang kanilang magiging pokus sa halip na personalidad at hindi sila sasali sa gutter politics o paninira sa ibang mga kandidato.

Facebook Comments