Plano ng Japan na pagpapalawak sa kooperasyon sa Pilipinas, suportado ng ilang mga senador

Suportado ng mga senador ang plano ng Japan na palawakin pa ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nagpapasalamat siya kay Japan Prime Minister Kishida Fumio na ipagpatuloy ang ugnayan sa bansa pagdating sa trade at development, defense at security, disaster management, infrastructure projects, tourism, energy, at transition sa net zero emissions.

Susuportahan ng Senado ang inilalatag ng Japan na kapayapaan at kasaganahan sa Mindanao, pagprotekta sa ating territorial integrity at pagpapahusay sa maritime security at kakayahang pandepensa, pagpapataas ng status ng bansa sa middle-income economy, pagpapalakas sa people-to-people relations, pagbawas sa epekto ng climate change at pagpapanatili sa free at open international order sa pagitan ng Pilipinas, ASEAN at US.


Maging si Senator Lito Lapid ay positibo rin ang pagtanggap sa panukalang tulong ng Japan sa Pilipinas partikular na sa pagpapalakas ng depensa at ekonomiya.

Sinabi ni Lapid na ang pagbisita ni Kishida sa bansa ay tanda ng pagpapakita ng mas malalim na pagkakaibigan at mas matatag na relasyon ng dalawang bansa.

Umaasa ang senador na sa pamamagitan nito ay mas lalo pang lalawak ang relasyong pangkalakalan at pang-ekonomiya sa pagitan ng mga bansa sa mga darating na panahon.

Facebook Comments