Plano ng PNP na i-monitor ang social media activities ng publiko para sa posibleng paglabag sa quarantine protocols, ikinaalarma ng NUPL

Ikinaaalarma ng National Union People’s Lawyers (NUPL) ang plano ng Philippine National Police (PNP) na i-monitor ang social media activities ng publiko para sa potential quarantine violations.

Giit ni NUPL – NCR Chapter Secretary General Katherine Panguban, ang nasabing hakbang ng PNP ay isang porma ng pagsikil sa freedom of speech at freedom of expression.

Aniya, kung titingnan ang historical record ng PNP pagdating sa human rights violation, maaari itong magdulot ng “chilling effect” sa mga tao.


Posible kasing ma-discourage ang publiko lalo na sa pagpapahayag ng kanilang saloobin at kritisismo sa gobyerno.

“Yung history din kasi ng records ng PNP with regards sa paglabag sa karapatang pantao, alarming din talaga. Meron siyang chilling effect doon sa mga tao. It would discourage people from expressing kung ano yung gusto nilang i-express and that includes even yung criticism sa government,” ani Panguban

Samantala, para kay Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Domingo “Egon” Cayosa, may kapangyarihan ang pulisya na i-monitor ang social media posts ng mga tao kung ito ay naka-public.

Pero paglilinaw niya, hindi maaaring gamitin bilang ebidensya sa anumang kaso ang mga pribadong datos o impormasyon.

“Kung private ho ‘yan ay protected yan. It’s part of your privacy. Oras na nilagay niyo po yan sa public domain where everybody can see, hindi naman bawal na i-monitor yan ng gobyerno,” paliwanag ni Cayosa.

Facebook Comments