
Iginiit ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc sa administrasyon na huwag payagan ang napaulat na plano ng Amerika na magsagawa ng produksyon ng bala ng baril sa bansa.
Bunsod nito, isinusulong nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Louise Co ng Makabayan Bloc na busisiin ng Kamara ang anumang defense industrial agreements, lalo na kung hindi dumaan sa debate at konsultasyon sa publiko at kung nagpapahina sa independent foreign policy ng bansa.
Giit ng Makabayan Bloc, delikado ang plano ng US na gawing pagawaan at imbakan ng bala ang Pilipinas dahil maaari itong maging target ng mga bansang ina-atake ng Estados Unidos.
Para kina Tinio, Elago, at Co, hindi katanggap-tanggap bilang economic program ang arms manufacturing, kundi anyo ito ng militarisasyon at agresyon.
Kasabay nito, nananawagan ang Makabayan Bloc na itigil na ng US ang paggera at pambobomba sa Iran at papanagutin ang mga nagpapaliyab ng digmaan at krisis.










