Inilatag ng mga kandidato sa pagkapangulo ang kani-kanilang mga plano para masigurong mabibigyan ang mga mag-aaral ng dekalidad na edukasyon, kaalaman at kasanayan na kinakailangan nila sa pagsali sa labor force sa hinaharap.
Sa PiliPinas Debates 2022 ng Comelec, sinabi ni dating Palace spokesman Ernesto Abella, pagaganahin niya ang “national volunteer core” para tulungan ang mga estudyante sa primary at secondary education na mahasa ang kanilang kasanayan sa pagbasa, pagsulat at pagkwenta.
Ipagpapatuloy din daw niya ang pagbibigay ng scholarship at tutorial courses sa mga graduating students.
Para naman kay labor leader Leody de Guzman, dapat na magtayo ng mas marami pang opisina ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at palakasin ang mga ito para matulungan ang mga fresh graduates na magkaroon ng mas maraming pagsasanay para sa kanilang mga trabaho.
Matindi namang tinutulan ni De Guzman ang kontraktwalisasyon gayundin ang operasyon ng mga manpower agencies.
Mag-i-invest naman sa science, technology, engineering at mathematics (STEM) courses si Manila Mayor “Isko” Moreno kung saan plano rin niyang idagdag sa kurso ang agriculture.
Sabi naman ni dating Defense secretary Norberto Gonzales, dapat na handa ang publiko na matatagalan pa bago maibalik sa normal ang performance ng mga manggagawa lalo na ang mga bagong graduates.
Para naman kay Senator Panfilo Lacson, makakatulong ang mabilis na transition mula sa pandemic patungong endemic at ang skills-matching program para magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mga manggagawa.
Bilang short-term solution, sinabi ni Lacson na suportado niya ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na ilagay ang buong Pilipinas sa Alert Level 1 para makabalik na ang mga manggagawa.
Gayunman, suportado rin niya ang panawagan ng BPO industry na palawigin ang work-from-home set-up hanggang Setyembre kung saan binanggit niya ang Telecommuting Act.
Samantala, ayon sa negosyanteng si Faisal Mangondato, dahil marami ang nawalan ng trabaho noong pandemya, dapat aniyang gamitin ng mga ito subsidiyang ibinigay ng gobyerno para sa produksyon sa halip na sa paggasta habang naghihintay tayo sa “new normal.”
Giit naman ni Dr. Jose Montemayor Jr., dapat na pantay ang pagtrato sa mga bakunado at hindi bakunadong mga manggagawa.
Sa panig naman ni Senator Manny Pacquiao, dapat aniyang tutukan ng gobyerno an pagbubukas ng mas maraming trabaho para matiyak ang kinabukasan ng mga mag-aaral na nagsipagtapos at magsisipagtapos sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Punto pa nito, dapat na iprayoridad din ng gobyerno ang pagtulong sa mga magsasaka na matagal nang nanghihingi ng tulong dahil sila ang “breadwinners” ng bansa.
Dagdag niya, dapat na palakasin pa ang TESDA at bigyan ng pagsasanay ang mga Pilipinong hindi nakapagtapos ng pag-aaral pero gustong matuto.
Para naman kay Vice President Leni Robredo, kailangang ayusin ang kalidad ng edukasyon para ihanda ang mga graduate students sa mga trabahong nais nilang makuha.
Binanggit din ng bise presidente ang mababang budget ng gobyerno sa edukasyon na nasa 3% lamang ng gross domestic product (GDP) na malayo sa 6% na rekomendasyon ng UNESCO.
Bukod dito, masyadong mababa ang sahod ng mga guro kumpara sa kanilang counterpart mula sa ibang bansa.