Nanawagan ang National Anti-Poverty Commission-Formal Labor and Migrant Workers (NAPC-FLMW) na magkaroon ng kongkretong plano para matulungan ang 500 manggagawa na mawawalan ng trabaho sa sandaling matuloy sa June 30 ang pagsasara ng Sofitel Philippine Plaza.
Ayon sa NAPC, bagama’t kinikilala nila ang karapatan ng may-ari na ihinto ang operasyon, dapat umano ay may malinaw na plano para sa mga apektadong manggagawa.
Magsasagawa ng diyalogo ang NAPC sa Department of Labor and Employment (DOLE) kasama ang Sofitel, GSIS, Department of Tourism, Hotel and Restaurant Association of the Philippines, at ang unyon ng hotel.
Nanawagan din ang ahensya sa lokal na pamahalaan ng Pasay na tumulong sa pagresolba ng mga problemang estruktural ng gusali upang mapanatili ang iconic na landmark.
Sa gitna ng patuloy na problema sa kawalan ng trabaho sa bansa, naninindigan ang NAPC na dapat protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa at magkaroon ng maayos na solusyon para rito.