Plano umanong airstrike ng Amerika sa ISIS sa Mindanao, hindi kabilang sa mga napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at US Secretary State Rex Tillerson

Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na hindi kabilang sa mga napag-usapan nila Pangulong Rodrigo Duterte at US Secretary of State Rex Tillerson ang lumabas na plano umano ng Estados Unidos ng Amerika na bombahin ang ISIS sa Mindanao.

Lumabas kasi sa balita na gusto umanong magsagawa ang US ng airstrike para makatulong sa paglaban ng Pilipinas sa teroristang Maute sa na konektado sa ISIS.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi kabilang sa mga natalakay ni Pangulong Duterte at Tillerson ang isyu ng airstrike.


Pero una nang sinabi ng Malacañang na kabilang sa mga pinag-usapan nila Pangulong Duterte at Tillerson ay ang mga isyu sa paglaban sa terorismo at ang pagpapalawig ng bilateral relations ng Pilipinas at US.
Nabatid na sinabi din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi kabilang sa maga natalakay ang sinasabing planong airstrike ng US sa ISIS.

Binigyang diin din naman ng Armed Forces of the Philippines na hindi maaaring magsagwa ng anomang military operations ang Amerika dito sa Pilipinas.

Sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla, limitado lang sa technical assistance at training ang maaaring ibigay na tulong ng Estados Unidos pero hindi maaaring makipagbakbakan ang kanilang pwersa dito sa bansa.

Pero sakali naman aniyang magkaroon ng invasion o pananakop sa Pilipinas ay obligado ang Estados unidos na tumulong batay narin sa umiral na mutual defense treaty ng Pilipinas at Estados Unidos ng Amerika.

Facebook Comments