Manila, Philippines – Kinalampag ngayon ng MAKABAYAN sa Kamara ang Pangulong Duterte na pigilan ang plano ng Amerika na magsagawa ng airstrike laban umano sa ISIS na nasa Pilipinas.
Kasabay nito ay kinundena ng grupo ang balak na airstrike dahil ito ay malinaw na panghihimasok sa soberenya ng bansa.
Hinimok ngayon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang Pangulong Duterte na huwag pumayag sa plano ng US dahil ito ay maaaring simula pa lamang sa mga malalang balak ng Amerika sa bansa.
Ikinakatwiran ng Amerika na ang pagsasagawa ng airstrike sa mga ISIS inspired group sa bansa ay bahagi ng “collective self-defense” concept ng military operations sa Pilipinas.
Babala ni Zarate na magdudulot ng maraming paglabag sa karapatang pantao sa bansa ang planong airstrike ng Amerika gamit ang kanilang makabagong armed drones.
Giit ng kongresista, bahagi lamang ito ng estratehiya ng Estados Unidos para ipakita ang kanilang kontrol sa mga bansa sa Asya lalo na sa Pilipinas.